tema: Ako…o ang parte ko
Maligayang araw ng martes sa lahat!
Maaga ngayon ang LP day, sa halip na huwebes eh…ginawa munang martes pansamantala kung bakit? punta na lang kayo dito.
Ako at ang parte ko? O sige ang unang larawan ay nagpapakita sa aking biloy (dimple). May kuwento kasi iyan. Tandang tanda ko pa mga anim na taon ako noon, naglalaro kami ng aking kapatid na lalaki. Umiikot habang nakadipa. Di ba ang sarap niyon? Paghinto niyo mahihilo ka at matutumba tumba. Naglalagay kami ng unan sa palibot para matumba man kami sa malambot na unan ang bagsak namin. Ang kaso mo, natumba nga ako pero hindi sa unan bumagsak kundi sa kanto mismo ng mesa tumama ang kanang pisngi ko. Masakit siyempre, pero hindi ko pinaalam sa aking magulang. Hindi naman siya namaga o nagkasugat. Masakit lang talaga. Hangga’t napansin nila na medyo may malalim na parte sa pisngi ko, ayun sinabi ko na rin ang tutuo. Pinatingnan nila ako sa doktor. At ang sabi wala naman daw malalang pinsala. Kaya ayan nagka-instant biloy ako. Huwag niyo try…kasi masakit!

Vain muna ako ngayon.
Ang pangalawang larawan naman ay pansinin niyo ang klos ap ng aking pang-ibabang labi. Kissable lips ba? Joke! Hindi iyan. Kundi ang maliit na guhit na kulay puti. Sa kakulitan ko rin iyan noong ako’y bata pa, kinuha ko ba naman ang timba sa banyo at pinaglaruan ko. Sumakay ako sa loob niyon at idinuyan duyan hangga’t sa nawalan ng balanse at nasubsob ang aking mukha. Tumama naman ang aking nguso sa kung anong nakausli. Nasugat iyan at dinala ako sa doktor para tahiin. Dalawang beses pang tinahi iyan kasi nang gumagaling na medyo makati at may nakapa akong hiblang maliit. Hinila ko po at ayun tinahi uli. ewww! Pasaway ‘no? Mabuti na lang pala at ang pang-ibabang labi ko ang nadisgrasya. Kung nagkataong yung pang-itaas “ay na-u! ngo-ngo ‘ana an lola niyo”!
Maligayang paglalakbay sa madam admin! At gudlak sa grand EB ng mga miyembro ng Litratong Pinoy sa Agosto 9, sa Intramuros at Rizal park Manila. Tara na at magsaya!